Tinutugis na ng pulisya ang isang barangay tanod na sinasabing responsable sa pagkamatay ng isang lasing na kaniyang inaresto at ikinulong sa barangay hall, noong bisperas ng Pista ng Sto. Nino sa Tondo, Maynila.
Bunga ito ng resulta ng isinagawang awtopsiya sa bangkay ng 26 -anyos na si Antonio Mabansag Jr. , construction worker, na namatay sanhi ng rheumatic head injuries, ayon sa findings ng Scene of the Crime Operatives (SOCO). Una nang napaulat na ikinulong ang biktima sa tanggapan ng Bgy. 122, Zone 9, District 1, subalit kinabukasan, alas-8 ng umaga ay natuklasan ng ina nito na wala nang buhay.
Isang Manuel Hernandez, na bgy. tanod, ang diumano’y nagtatago sa kasalukuyan.
Sa salaysay ni Rosita Mabansag, 34, pinsan ng biktima nakita niya at iba pang residente na binubugbog umano ni Hernandez ang biktima at bumagsak sa semento.
Nag-ugat ang insidente nang magwala ang lasing na biktima at sinaway ni Kagawad Mario Hernandez at humingi umano ng paumanhin subalit sinuntok umano ng suspect, dahil sa walang tigil na pangungulit.
Sinabi ni Det. Rick Mendoza ng MPD-Homicde Section, nakatakdang isampa ang kasong homicide laban sa tanod habang tiniyak naman ni Bgy. Chairman Romeo Tamparia na tutulong sa pagdakip sa suspect. (Ludy Bermudo)