Nagsampa ng petisyon sa hukuman ang grupo ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) dahil sa pagdududa na pinagkakalooban ng “VIP treatment” sa bilangguan si ex-Batangas Governor Jose Antonio Leviste.
Batay sa inihaing petisyon, hinihiling sa Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 150 ni VACC founding chair Dante Jimenez na pahintulutan silang makapasok sa loob ng Makati City Jail upang makumpirma ang kalagayan ni Leviste kung ito nga ay hindi nagtatamasa ng tinatawag na “VIP treat ment” o espesyal na pag-trato sa selda 8 kung saan nakapiit ang dating gobernador.
Sa kabila nito, ipinagkibit-balikat at pinagtawanan naman ng mga opisyal ng Makati City Jail ang nasabing espekulasyon ni Jimenez dahil nananatili naman umanong nasa loob ng piitan si Leviste kasama ang 40 pang bilanggo.
Ayon pa sa mga opisyal na kahit cellphone at anumang gamit pang-komunikasyon ay hindi pinahihintulutang pagamitin si Leviste sa loob ng kanyang selda.
Matatandaan na nitong nakaraang Enero, 14, “guilty” ang ipinataw ng Makati RTC Branch 150 na hatol o 6-12 taon na pagkabilanggo kay Leviste dahil sa kaso nitong homicide kaugnay sa pagkakapatay nito sa kanyang personal aide at matalik na kaibigan na si Rafael delas Alas noong Enero, 2007.
Si Leviste ay agad na ikinulong sa Makati City Jail sa selda 8 matapos na mahatulan ito. (Rose Tamayo-Tesoro)