Pinatawan ng Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) ng walong taong pagkabilanggo ang isang employer dahil sa kabiguan nitong magremit ng buwanang contributions ng kanyang mga tauhan sa Social Security System (SSS) sa loob ng mahigit limang taon.
Bukod dito, pinagbabayad din ni QC RTC Judge Jocelyn Solis-Reyes ang akusadong si Felino Trono, may-ari at manager ng Frontline Electronics Services ng halagang P185,511 bilang overdue sa SSS premiums mula Oktubre 1995 hangang Abril 2001 at P5,000 multa.
Naiprisinta sa korte ng SSS ang billing at demand letters, employment reports at affidavit na nagpapatunay na si Trono ay hindi nagbibigay ng kontribusyon at multa base sa report ni SSS account officer Angelito Diaz.
Naisumite din sa korte ang sworn statements ng mga empleado ng Frontline na sina Raul Castro, Ronaldo Castro, Benedicto Naje at Bernardo Malig na nagsabing si Trono ay hindi nagreremit ng kanilang monthly contributions sa SSS gayung kinakaltasan ang kanilang sahod.
Bukod dito, hindi dumadalo si Trono sa mga naitakdang hearing kayat tinanggal na ng korte ang karapatan nitong makapagprisinta ng kanyang ebidensiya kaugnay sa kaso.
Ang mga kompanya ay kailangang mag- remit ng SSS contributions ng kanilang empleyado bago o pagsapit ng ika 10 araw ng bawat buwan upang maiwasan ang 3 percent monthly penalty. (Angie dela Cruz)