23 patrol cars ipinamahagi ng NCRPO
Higit pang mapapalakas ang anti-criminality campaign ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa pamamagitan ng 23 mga bagong patrol cars.
Ito ang inihayag kahapon ni NCRPO Chief Director Leopoldo Bataoil kasunod ng pamamahagi sa nasabing mga sasakyan sa iba’t ibang distrito at himpilan ng pulisya sa Metro Manila.
Sa ginanap na simpleng seremonya sa himpilan ng NCRPO sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City, pinangunahan ni Bataoil ang distribusyon ng naturang mga Toyota Innova patrol cars.
Ang nasabing okasyon ay sinaksihan naman nina Rep. Zenaida Angping ng 3rd District ng lungsod ng Maynila at ni Muntinlupa City Rep. Rozzano Rufino Biazon.
Nabatid na ang naturang mga patrol cars ay mula sa kabuuang 664 patrol cars na pinasinayahan nina Interior and Local Government Secretary Ronaldo Puno at PNP Chief Director General Jesus Verzosa kamakailan sa Camp Crame para ipamahagi sa mga himpilan ng pulisya sa buong bansa.
Binigyang diin ni Bataoil na higit na magiging epektibo ang serbisyo publiko at pagtugon sa kriminalidad ng NCRPO operatives sa pamamagitan ng naturang mga patrol cars. Nabatid na ang Quezon City Police District ay tumanggap ng apat na bagong patrol cars, tigatlo ang mga himpilan ng pulisya sa mga lungsod ng Parañaque at Mandaluyong; tigalawa ang mga police stations sa Maynila, Makati, Pateros, Taguig habang tig-isa naman ang mga himpilan sa Pasig, San Juan,Malabon, Muntinlupa, Navotas. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending