Koreano nakatakas, jail warden sibak

Tinanggal kahapon ni Bureau of Immigration Com­missioner Marcelino Libanan sa tungkulin ang jail warden at limang guwardiyang naka­talaga sa Bicutan detention center dahil sa pagkakatakas ng isang Koreano sa kanilang kustodiya.

Ginawa ni Libanan ang hakbang kahit na nagbuo siya ng isang special com­mittee na mag-iimbestiga sa pagtakas ni Byung Kyu Choi na isang wanted dahil sa kasong large scale fraud at swindling.

Kabilang sa mga sinibak ni Libanan sina Arsenio Samson, BI jail warden at mga guwardiyang sina Jorge Reyes, Herbert Veron, Carlos Garcia, Fernando Achay at Nasrodin Abdulwahab.

Inutos ni Libanan ang massive manhunt para kay Choi at nagbabala na kung sinoman ang nagbibigay proteksyon dito ay maaring sampahan ng kasong harbor­ing fugitives na may kaparu­saha­ng limang taong pagka­ka­kulong.

Nabatid na si Choi ay tumakas noong hapon ng Sabado habang dinadala ito sa dental clinic sa Better Living Subd. sa Paranaque City na isang malinaw na paglabag umano sa BI dentention policies. (Gemma Amargo-Garcia)

Show comments