Koreano nakatakas, jail warden sibak
Tinanggal kahapon ni Bureau of Immigration Commissioner Marcelino Libanan sa tungkulin ang jail warden at limang guwardiyang nakatalaga sa Bicutan detention center dahil sa pagkakatakas ng isang Koreano sa kanilang kustodiya.
Ginawa ni Libanan ang hakbang kahit na nagbuo siya ng isang special committee na mag-iimbestiga sa pagtakas ni Byung Kyu Choi na isang wanted dahil sa kasong large scale fraud at swindling.
Kabilang sa mga sinibak ni Libanan sina Arsenio Samson, BI jail warden at mga guwardiyang sina Jorge Reyes, Herbert Veron, Carlos Garcia, Fernando Achay at Nasrodin Abdulwahab.
Inutos ni Libanan ang massive manhunt para kay Choi at nagbabala na kung sinoman ang nagbibigay proteksyon dito ay maaring sampahan ng kasong harboring fugitives na may kaparusahang limang taong pagkakakulong.
Nabatid na si Choi ay tumakas noong hapon ng Sabado habang dinadala ito sa dental clinic sa Better Living Subd. sa Paranaque City na isang malinaw na paglabag umano sa BI dentention policies. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending