Para lumuwag ang sobrang sikip nang kulungan ng Bureau of Immigration sa Bicutan, Taguig, umabot sa 142 overstaying na dayuhan ang idineport ng BI noong nakaraang taon.
Ito ang inihayag kahapon ni BI Commissioner Marcelino Libanan na nagsabing marami sa mga dayuhang pinatalsik palabas ng bansa ay ilang taon nang nakakulong sa naturang piitan.
Ayon pa kay Libanan, 18 sa deportees ay mahigit dalawang taong nakakulong dahil sa kasong pagkabigong makakuha ng plane ticket o merong nakabimbing kaso sa korte sa Pilipinas. Ang iba naman ay may mga kasong kriminal sa pinagmulan nilang bansa habang may mga dayuhang idineklarang undesirable alien.
Pinuna pa ni Libanan na meron pang mga dayuhan na ayaw bumalik sa kanilang sariling bansa at pinili pang manatili sa kulungan dahil sa paniniwalang magtatagal sila rito at mabibigyan ng libreng pagkain at kanlungan.
Idiniin niya na ang detention facility ng BI ay hindi dormitoryo para sa mga iligal na dayuhan kaya dapat nang maideport ang mga ito. (Butch Quejada)