Kumbento ng madre pinasok ng Akyat-Bahay
Isang kumbento ng mga madre sa Tandang Sora, Quezon City ang ninakawan ng mga hinihinalang miyembro ng Akyat-Bahay Gang kamakalawa ng gabi.
Kabilang sa nakuha ng mga magnanakaw sa kumbento ng Servant of Mary sa C-18 Don Felipe St., Tandang Sora ang dalawang Carrier aircon, microwave oven, electric thermos, digital camera, mga mamahaling damit, mga alahas at P3,000 cash.
Sa ulat ni PO3 Darwin Salvador ng Talipapa police Station 3, dakong alas-9 ng gabi nang pasukin ng mga magnanakaw ang kumbento.
Ayon sa ilang saksi, lulan ng Toyota Innova at Avanza ang mga magnanakaw na pawang nakasuot ng magarang damit nang pumasok sa kumbento. Inakala nilang bisita ito ng mga madre.
Nadiskubre naman ang naganap na nakawan nang dumating kahapon ng umaga ang mga madre buhat sa kanilang major convent at nakitang bukas ang pinto at ilaw sa kanilang formation house. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending