Konsehal sinapak ng 2 Koreano
Dalawang lasing na Koreano ang nakatakdang sampahan ng patung-patong na kaso makaraang suntukin, bastusin at sampalin ang isang konsehal ng Maynila kamakalawa sa Malate sa naturang lunsod.
Inireklamo kahapon ni Councilor Roderick Valbuena (5th district) na pasakay siya sa kanyang kotse matapos makipagpulong kay Vice Mayor Isko Moreno sa Café Adriatico da kong alas-3 ng madaling-araw ng Sabado nang humarang sa kanyang daanan ang dalawang lasing na sina Sim Guidae, 29, at Kim Joo Min, 37, ng Seoul, South Korea.
Nang makapasok siya sa kotse at sinimulang patakbuhin ito, hindi umano umalis sa daraanan ang dalawang dayuhan kaya bumaba ng sasakyan ang konsehal at pinatabi ang dalawa at sinabihan ding umuwi na lamang dahil sa mga lasing na.
Sa halip, sinabihan umano si Valbuena ng dalawang dayuhan ng ‘F…you!” kaya napilitan umanong magpakilala ang una na siya ay konsehal ng Maynila at ipaaresto ang dalawa.
Umalma pa ang dalawa at nagyabang na may kakilala silang police general at isusumbong siya sa Korean Embassy na ikinapikon ni Valbuena at ipinadakip na lamang sa mga pulis ang mga suspek.
Nang mahimasmasan sa tanggapan ng MPD-General Assignment Section, humingi ng tawad ang dalawang turista subalit tiniyak ni Valbuena na itutuloy niya ang reklamong direct assault, malicious mischief at oral defamation at plano niyang hilingin sa Bureau of Immigration na isama sa blacklist ang dalawa.
- Latest
- Trending