Rollback sa krudo, taas-presyo sa LPG
Nag-rollback na rin kahapon sa kanilang mga produktong petrolyo ang ilan pang mga kompanya ng langis na kinabibilangan ng “big three”.
Magugunitang una nang nagtapyas ng 50 sentimos ang Eastern Petroleum kamakalawa ng hapon sa presyo ng kanilang gasolina, diesel at kerosene, habang kahapon ng madaling-araw naman ay sinundan ito ng “big three” o Pilipinas Shell, Petron Philippines at Chevron.
Alas-6 naman ng umaga ay sinundan din ito ng Total Philippines na nagbaba rin ng kaparehong halaga sa kanilang mga petroleum products.
Ayon sa Department of Energy (DOE), ang ikinasang panibagong rollback ng nasabing oil companies ay bunsod pa rin ito ng mababang halaga ng langis sa world market.
Muli rin kasing bumagsak sa $35.40 ang kada-bariles ng langis sa pandaigdigang pamilihan.
Kamakalawa ay huling iniulat ang pagbagsak ng 5 porsiyento sa presyo ng langis sa world market bunsod na rin ng hindi pa nareresolbang global financial crisis dahil nabawasan ang demand para sa langis at enerhiya.
Batay sa pinakahuling kalakalan, ang US crude ay bumagsak ng $1.88 at sumadsad sa $35.40 per barrel, habang ang London Brent ay bumaba ng 39 cents o pumalo naman sa $44.69 kada-bariles.
Dahil dito, muling nagbabala ngayon ang OPEC na muli nilang tatapyasan ang produksyon sa langis kapag patuloy ang pagbagsak ng presyo nito sa world market.
Samantala, inanunsiyo naman kahapon ng Liquigaz ang nakatakdang pagpapatupad nila ngayong araw ng taas-presyo sa kanilang liquefied petroleum gas (LPG)
Ayon kay Jun Golingay ng Liquigaz, P2 pagtaas sa bawat-kilo ng kanilang LPG na may kabuuang P22 sa kada-11 kilogram ng cylinder nito ang kanilang ipapataw ngayon.
Ang hakbangin ng Liquigaz ay kasunod na rin ng pagtaas umano ng presyo o actual cost ng pagbili ng kanilang produkto.
Sa kabila nito, tiniyak naman ni LPGMA president Arnel Ty na hindi sila susunod sa Liquigaz at sa halip ay magpapatupad na lamang ang grupo ng una ng pagtataas sa presyo ng kanilang LPG sa darating na buwan ng Pebrero.
Sa ngayon naglalaro ang presyo ng produktong nasa ilalim ng LPGMA sa P420-P470 bawat 11 kilong cylinder.
- Latest
- Trending