Hinatulan kahapon ng habambuhay na pagkakabilanggo ng korte ang isang drug pusher makaraang madakip ito ng mga awtoridad na nagbebenta ng halagang P200 shabu sa ginawang buy-bust operation mahigit dalawang taon na ang nakalipas sa Mandaluyong City.
Sa 10-pahinang desisyon ni Judge Maria A. Cancino-Erum ng Mandaluyong Regional Trial Court (RTC) Branch 210, bukod sa pagkakabilanggo ay inatasan din nito ang akusadong si Arnold Cena na magbayad ng P500,000 bilang multa sa nasabing kaso.
Base sa rekord ng korte, naaresto ang akusado noong Setyembre 28, 2005 sa isinagawang buy-bust operation ng Station Anti-Illegal Drugs-Special Operation Task Force (SAID-SOTF) ng Mandaluyong police sa kahabaan ng San Miguel St., Brgy. Plainview ng nasabing lungsod.
Nabatid na kumilos ang awtoridad matapos ang kabi-kabilang sumbong ng mga residente ng lugar dahil sa talamak na pagbebenta umano ng droga ng suspek.
Nagpanggap na poseur-buyer ang isang kagawad ng pulisya at kumuha ng shabu sa suspek gamit ang P200 marked money. Lingid sa kaalaman ng suspek ay nakapaligid na ang mga tauhan ng SAID-SOTF sa lugar at ng ibigay nito ang droga sa police buyer ay agad itong inaresto ng mga kasamahan nito.
Sa depensa ng akusado, sinabi nitong planted umano ang ginawang pagkakadakip sa kanya ng mga otoridad at wala umano siyang dalang droga subalit binalewala ito ng korte at binigyang halaga ang mga dokumento at testimonya ng mga humuling pulis. (Edwin Balasa)