Kalunus-lunos ang sinapit na kamatayan ng isang dalagang estudyante nang mabundol ito ng isang rumaragasang cargo truck at mapisak ang katawan nito habang patungo ang una sa unibersidad na pinapasukan nito, kahapon ng tanghali sa Las Piñas.
Nasawi noon din bunga ng matinding pinsala sa ulo at katawan ang biktimang si Nerissa Aguila, 21, estudyante ng Perpetual Help University at residente ng Block 33-Lot 14, Paris St., Golden City Subd., Imus, Cavite.
Sumuko naman sa pulisya ang suspect na si Eugenio Patano, 50 at residente ng 239 Concepcion st.,Pasig City.
Ayon kay P/Chief Inspector Reycon Garduque, hepe ng Operations Section ng Las Piñas City Police, pasado alas-11 nang mangyari ang nasabing insidente sa kahabaan ng Zapote-Alabang Road, Brgy. Pamplona, Las Piñas City.
Batay sa ulat, habang minamaneho ni Patano ang Isuzu cargo truck na may plate TYM-328 patungo sa direksiyon ng Alabang ay hindi nito napansin ang biktima na patawid sa kabilang kalsada.
Dahil sa sobrang tulin ng sasakyan ay natumbok nito ang biktima kung kaya’t nakaladkad ito at tumama pa ang ulo nito sa semento dahilan upang agaran itong masawi. (Rose Tamayo-Tesoro)