'Fixer' sa Customs tiklo
Isang hinihinalang ‘fixer’ sa Bureau of Customs (BOC) ang pinaghahanap ng mga kagawad ng Manila Police District (MPD) kaugnay sa reklamong pagtangay umano nito ng P.5 milyon mula sa isang brokerage company, sa Binondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ng biktimang si Erickson Perez, 28, head processor ng Aduana Brokerage Custom, ang suspect na isang Ronald Tablizo, 30-40 anyos, ng Sevilla St., San Nicolas, Binondo, Maynila. Nadakip naman ang sinasabing kasabwat ni Tablizo na kinilalang si Feliciano Macacalap, 28, isa ring ‘fixer’, ng Abad Santos Extension Tondo, Maynila.
Sa ulat ni PO3 Gorgeos Alumbro ng MPD-Theft and Robbery Section (TRS) dakong alas- 11:40 ng gabi nang maganap ang insidente sa harapan ng ECJ Bldg., Real corner Arsobispo St., San Nicolas, Binondo, Maynila.
Sa depensa ni Macacalap, sa kanya ipinapo-proseso ang paglalakad ng papeles para sa isang shipment ng nasabing brokerage sa halagang P532,200. subalit ipinalakad niya rin ito kay Tablizo.
Nang hindi dumating ang sinasabing kargamento, ipinadakip ni Perez si Macacalap at hindi na narekober ang ibinayad sa huli na mahigit kalahating milyong piso. Depensa pa ng suspect na si Macacalap ibinayad niya ito kay Tablizo. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending