Carjacker patay sa barilan
Isa na namang carjacker ang napatay ng mga tauhan ng pulisya sa isang engkuwentro kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Patuloy pang inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng suspek na nasa pagitan umano ng edad na 50-53 anyos, nakasuot ng maong na pantalon at t-shirt. Pinaghahanap naman ang nakatakas nitong kasamahan.
Sa ulat ni Talipapa station (Station 3) commander, Supt. Marcelino Pedrozo, naganap ang engkuwentro dakong alas-9 kamakalawa ng gabi sa kanto ng Road 20 at EDSA sa Brgy. Bahay Toro.
Nabatid na unang hinoldap at tinangayan ng scooter ng dalawang suspek ang biktimang si Recto Esteron sa may Ferma Road, sa naturang barangay. Agad namang naiulat ni Esteron ang krimen sa nagpapatrulyang pulis ng Station 3 na agad na humabol sa mga suspek.
Minalas naman na nasiraan ang ninakaw na scooter ng mga suspek kaya naabutan ang mga ito ng mga pulis na kinukumpuni ito. Sinabi ng mga pulis na una umanong nagpaputok ang mga suspek kaya napilitan silang gumanti ng putok sanhi ng pagkakapaslang ng isa sa mga ito habang tuluyang nakatakas ang isa pa. Isang kalibre .38 ang narekober ng mga awtoridad sa bangkay ng nasawing suspek.
Sinabi ni Pedrozo na maaaring miyembro ng isang grupo na kanilang minamatyagan na nambibiktima ng mga nagmo-motorsiklo sa Congressional Avenue ang napaslang.
Sa rekord ng pulisya, umaabot na sa 11 hinihinalang holdaper at karnaper ang napapaslang ng QCPD sa shootout sa iba’t ibang lugar sa lungsod sa pagpasok ng taong 2009 kabilang ang pagkakalansag sa Alvin Lagado kidnap for ransom gang sa Quezon Avenue noong Enero 7.
- Latest
- Trending