Nagpalabas ng babala ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga opisyales at bumbero ng Bureau of Fire Protection (BFP) na sangkot sa korapsyon kung saan mahaharap na ang mga ito sa mas mataas na parusa matapos na aprubahan ang bagong Fire Code of the Philippines.
Sinabi ni DILG Undersecretary for Public Safety Atty. Marius Corpus na sa ilalim ng bagong aprubang Republic Act 9514 na pumalit sa 31-anyos na lumang batas, papatawan ng kaparusahang pagkakulong ng hanggang anim na buwan hanggang anim na taon at multang hindi hihigit sa P100,000 sa mga tauhan ng BFP masasangkot dito. Ito’y upang mapigilan ang mga napapaulat na insidente ng korapsyon sa BFP tulad ng pagtanggap ng suhol sa mga may-ari ng mga establisimentong “fire hazards”, puwersahang pagbebenta ng fire extinguishers at mga sangkot sa pangongotong.
Nakapaloob rin sa bagong Fire Code ngayon ang pagtataas ng multa sa mga may-ari ng mga gusali na fire hazards mula P12,000 na ngayon ay P50,000; at multang P100,000 buhat sa dating P20,000 at pagkakulong ng hanggang anim na taon sa mga may-ari ng gusali na bigo na ituwid ang kanilang mga bayolasyon sa oras ng sunog bukod pa sa pagbabayad sa pamilya at mga biktima kung ang paglabag ay nagresulta sa pagkawala ng buhay o ari-arian. (Danilo Garcia)