Random drug test sa mga iskul, ok sa Maynila
Pabor ang lungsod ng Maynila sa kautusan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa pagsasagawa ng random drug test sa mga public at private schools sa high schools at kolehiyo bunga ng kontrobersiyal na usapin hinggil sa kaso ng Alabang Boys.
Kapwa nagpahayag ng kahandaan sina Manila Vice Mayor Isko Moreno at 3rd District Councilor LetLet Zarcal na isailalim sa random drugs test ang mga public at private school sa lungsod upang matiyak na hindi gumagamit ng mga ipinagbabawal na gamot ang mga estudyante rito.
Ayon kay Moreno, 100 porsiyento ang kanyang suporta sa drug test na dapat na simulan sa high school dahil ang mga ito ang kadalasang ginagamit ng mga sindikato bunga na rin ng kawalan ng legal liability o hindi maaaring kasuhan dahil na rin sa under age.
Aniya, dapat na maging maingat ang ahensiya ng pamahalaan na magsasagawa ng random drug testing dahil posibleng makaapekto ito sa pagkatao ng isang bata.
Iba naman ang usapin sa kolehiyo dahil ang mga ito ay may sapat nang pag-iisip kung ano ang tama o mali. Gayunman, kung ito ay user, maaari naman itong ipa-rehab.
Nakahanda umanong tumulong ang Manila Drug Abuse Council (MDAC) sa ilalim ng kanyang pamamahala.
Sinabi naman ni Zarcal na ang kanyang pagpabor ay para na rin sa kapakanan ng mga kabataan. Nanawagan naman si Moreno sa kanyang kapwa artista na tigilan na ang paggamit ng ipinagbabawal na droga. (Doris Franche)
- Latest
- Trending