Dalawa na namang pinaniniwalaang holdaper ang iniulat na nasawi makaraang makipagpalitan ng putok ng baril sa mga tauhan ng Quezon City Police kahapon ng madaling-araw sa nabanggit na lungsod.
Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga napaslang na suspek na hinihinalang mga holdaper na nambibiktima ng mga jeep na may biyaheng Cubao-Quiapo.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-12:30 ng madaling-araw nang maganap ang palitan ng putok sa pagitan ng mga suspek at tauhan ng La Loma police station sa kahabaan ng Quezon Avenue malapit sa Biak na Bato.
Nabatid na unang sumakay ang mga suspek ng isang pampasaherong jeep (TVY469) sa Araneta Avenue at nagdeklara ng holdap pagsapit sa D. Tuazon Street kung saan nilimas ang mga pera, alahas at cellphone ng mga pasahero.
Pinababa naman ng mga holdaper ang mga pasahero at inutusan ang driver na paandarin ang jeep patungo sa direksyon ng La Loma. Dito naman nakasalubong ng patrol unit sa pangunguna ni P/Insp. Mario Pascual ang jeep kung saan hinarang ito dahil sa kahina-hinalang mga suspek.
Agad namang umanong nagpaputok ng baril ang mga suspek sa mga alagad ng batas na gumanti sanhi ng pagkakabistay sa bala ng mga salarin.