Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng tatlong hindi nakikilalang kalalakihan ang isang 50-anyos na political leader umano ni Valenzuela Mayor Sherwin Gatchalian sa harap ng bahay nito kahapon ng umaga sa nabanggit na lungsod.
Patay na nang idating sa Manila Central University (MCU) Hospital ang biktimang si Mariano Santiago, nakatira sa Bautista St., Mapulang Lupa ng nabanggit na lungsod. Nagtamo ito ng tama ng bala ng baril sa batok.
Samantala, nagsasagawa pa ng follow-up operation ang mga kagawad ng Valenzuela City Police laban sa tatlong suspek na mabilis na tumakas matapos ang isinagawang krimen.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-6 ng umaga sa harap ng bahay ng biktima sa nabanggit na lugar.
Nabatid, na sumakay ang mga suspek sa tricycle na pinapasada ni Jose Calimag at nagpahatid ang mga ito sa bahay ng biktima.
Nang makarating ang mga suspek sa bahay ng biktima, bumaba ang mga ito at nang makita ang biktima ay walang sabi-sabi itong pinagbabaril.
Mabilis na isinugod si Mariano ng kanyang mga kaanak sa paga mutan, ngunit hindi na ito umabot ng buhay.
Inaalam pa ng pulisya kung ano ang posibleng motibo sa isinagawang pagpaslang. Hindi pa matiyak kung may kinalaman ito sa pulitika.