Nalansag ng mga awtoridad ang notoryus na “Sako gang” na responsable sa brutal na pagpatay kay Viva Hot Babe model Scarlet May Garcia at 3 iba pa noong Marso 2008 sa Olongapo City matapos masakote ang lider ng grupo kasama ang apat nitong tauhan sa isinagawang operasyon sa Metro Manila, ayon sa mga opisyal kahapon.
Sa press briefing sa Camp Crame, kinilala ng mga opisyal sa pangunguna nina PNP Chief Director General Jesus Verzosa at NCPRO Chief Director Leopoldo Bataoil ang nasakoteng lider ng gang na si Benny Crisologo.
Ayon sa mga ito, si Crisologo at mga tauhan nitong sina Angelito Reyes, Jerry Ugtuhan, Ernesto Ruperto Jr. at Edwin Ruperto ay nalambat sa safehouse ng grupo sa E. Ragas St., Pateros kamakalawa.
Ang dalawa pang nasakote na sina Alvin Ugtuhan at Ariel Samonte na kasama ng mga suspect ay iniimbestigahan pa kung kabilang sa notoryus na “Sako gang”.
Nabatid na ang grupo ni Crisologo ay nag-ooperate sa Central Luzon, Metro Manila at Southern Tagalog Region ay nagsimula bilang “Estribo gang” noong 2004 at ang dating lider ay ang kapatid ni Benny na si Benedicto Crisologo ay napatay sa engkuwentro sa Imus, Cavite noong 2005.
Ang grupo ayon sa mga opisyal na sangkot sa mga kaso ng rape-slay at robbery ay binansagang “Sako gang” dahilan sangkot rin ang mga ito sa robbery/holdup na ang mga nakukulimbat lalo na sa mga pasahero ng jeepneys ay isinisilid ng mga ito sa sako.
Sinabi ni Bataoil na si Benny Crisologo ay positibong kinilala ng isa sa mga biktima na si Sandra Pahilaga ng Pasig City na pinaslang ang kapatid na Medical Technologist matapos gahasain nang pasukin ang kanilang tahanan noong Oktubre ng nakalipas na taon.
Bago nasakote ang mga suspect ay pinagnakawan rin ng mga ito ang bahay ni Florencia Nalamangan ng Camia St., Royal Subd., Brgy. San Juan, Taytay sa lalawigan ng Rizal noong Enero 8, 2009 matapos ang mga itong mag panggap na mga pulis.
Nitong Sabado, dakong alas-11 ng umaga ay natunton ng mga elemento ng pulisya ang may-ari ng get-away vehicle na ginamit ng mga suspect kay Angelito Reyes na inamin ang pagkakasangkot sa nasabing nakawan at itinuro pa ang safehouse ng kanyang mga kasamahan.
Agad namang inilatag ang dragnet operations at nasakote ang mga suspect kamakalawa sa nabanggit na safehouse ng grupo. Nasamsam mula sa pag-iingat ng mga suspect ang isang caliber. 45 pistol, isang 9mm pistol, isang granada, dalawang electronic vaults, sari-saring handy cameras, mga passports.
Lumitaw naman sa imbestigasyon na ang Sako gang ay sangkot rin sa pagpatay at panununog sa Viva Hot Babes na si Scarlet Garcia at tatlong iba pa noong Marso 12, 2008 sa Olongapo City, Zambales. Si Scarlet at isang babaeng kasamahan nito ay natagpuang nakagapos ang mga kamay, nakabusal ang bibig na walang pang-ibabang saplot ang katawan habang ang 2 lalaki ay pinaslang naman sa sala. (Joy Cantos)