Isang hindi pa nakilalang lalaki ang pinatay sa saksak matapos mangulit at paglaruan ang mga panindang saging ng ilang manininda sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Inilarawan lamang ang biktima sa edad 18 hanggang 20 taong-gulang, mahaba ang buhok, maputi, may taas na 5’1-5’3, at may tattoo na tatlong tuldok sa kanang braso.
Nanahimik naman ang mga tindero at tindera nang imbestigahan kung sino ang may kagagawan ng pananaksak sa biktima.
Sa imbestigasyon ni PO3 Jonathan Bautista ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-8:00 ng gabi nang makita na lamang na duguang nakabulagta ang biktima sa harapan ng Philippine Textile Building, sa #992 Ylaya St., Tondo, Maynila. Siya ay isinugod sa Mary Jhonston Hospital subalit idineklarang patay na.
Bago ang insidente, nakita ng ilang saksi ang paglalaro ng biktima sa mga paninda ng ilang vendor kung saan ginagawa umanong trumpo ang saging na ikinalalamog nito.
Marami umano ang naasar nang ayaw pasaway ang biktima na nangungulit sa mga dinaraanang paninda.
Hinala ng imbestigador, nakulitan ang isa sa mga vendor kaya pinagsasaksak ito subalit pinili na lamang na manahimik ang nakasaksi sa pananaksak. (Ludy Bermudo)