Nanganganib na mapatalsik sa serbisyo ang dalawang pulis-Quezon City makaraang kapwa positibong kilalanin at maituro ang mga ito na sangkot sa kidnapping for ransom kamakailan sa isang negosyante sa Pasay City.
Matapos ang isinagawang follow-up investigation ni SPO1 Leo Labrador, may hawak ng kaso, positibong kinilala ang mga suspect na sina PO3 Lawrence Liclic at PO2 Alvin Pineda na kapwa nakatalaga sa Masambong Police Station, Del Monte Ave., Quezon City.
Ayon sa ulat, ang dalawang pulis ang itinuturo ng biktimang si Elizabeth Macatangay, 31 , negosyante at residente ng Luna St., Pasay City base sa photo gallery ng pulisya na umano’y siyang dumukot sa kanya at humingi ng P150,000 ransom money kapalit ng kanyang paglaya.
Lumalabas pa sa imbestigasyon ni Labrador na dakong alas-7:30 ng gabi nitong nakaraang Disyembre 5, 2008 ay unang inihatid ng kanyang mister na si Chaudhny Kharan Aziz, 33, negosyante, Pakistani national ang biktima sa isang fast food chain sa Roxas Boulevard, Pasay City para makipagkita kay Mary Jane alyas “MJ” upang kunin ang bayad sa pagkakautang ng huli.
Agad naman umanong umalis sa lugar ng tagpuan ng dalawang nabangggit na babae ang mister ng biktima nang makitang kausap na ng kanyang misis ang sisingiling babae.
Nagtaka na lamang umano ang mister ng biktima na mula noon ay hindi na nakauwi pa ang huli at sa pamamagitan ng isang tawag sa cellphone, isang nagpakilalang pulis ang tumawag sa una at humihingi ng P8 milyon ransom kapalit ng paglaya ng huli hanggang sa nagkasundo ang mga ito na babaan sa halagang P150,000.
Sinabi naman ni Macatangay na walong lalaki ang kasama nina PO3 Liclic at PO2 Pineda ang sapilitang isinakay ang biktima sa isang van bago dinala sa naturang police station at doon pinigil ng dalawang araw habang isinasagawa ang negosasyon sa kanyang pagpapalaya.
Sa Masambong police station rin umano naganap ang transaksiyon at dito rin iniabot ni Aziz sa mga suspect ang hinihinging ransom money ng mga ito hanggang sa palayain na ang biktima.
Nabatid na ang pagkakadukot sa ginang ay nag-ugat dahil sa hindi nito napagbigyan ng palugit si MJ na sinasabing kaibigan ng isa sa mga nabanggit sa pulis sa pagkakautang ng huli sa mister ng una na nagkakahalaga ng P35,000. (Rose Tamayo-Tesoro)