Tapyas-presyo sa petrolyo, malabo na
Umalma ang consumer group matapos ipahayag ng ilang oil companies na wala nang maaasahang tapyas-presyo sa petrolyo sa buwan ng Enero.
Ayon sa Consumer and Oil Price Watch, hindi katanggap-tanggap na walang mangyayaring oil price rollback ngayong buwan ng Enero.
Giit ng naturang consumer group, nararapat na ipatupad ng mga oil companies ang P2 rollback kada-linggo sa loob ng sunud-sunod na apat na linggo.
Magugunita na unang sinabi ni Flying V chairman Ramon Villavicencio na dahilan sa mga oil price hike na nangyayari sa international market ay malabo na aniyang magkaroon pa ng rollback ngayong buwan.
Una ring iginiit ni Villavicencio na naibigay na nila noong Disyembre ang dapat sanang rollback ngayong buwan at sagad na umano ito.
Aniya, anumang adjustments sa hinaharap ay nangangahulugan ng pagtaas din sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Nabatid na pangunahing nakaapekto sa galaw ng oil price sa pandaigdigang pamilihan sa ngayon ay ang tensiyon sa Middle East dala ng giyera sa pagitan ng Israel at Hamas sa Gaza Strip.
Ayon naman sa Pilipinas Shell Petroleum Corp., gagamitin na nila sa pagtukoy sa presyo ang tinatawag na “Mean of Platts Singapore” (MOPS), ang benchmark ng mga finished imported petroleum products sa kabila ng pagkakaron nila ng local refinery.
Hindi rin naman nagbigay ng indikasyon ang naturang mga kompanya sa presyuhan sa darating na mga linggo. Ayon naman kay Petron Corporation spokesman Virginia Ruivivar, wala umanong aasahang price adjustment ngayong linggo.
Sinabi naman ni Total Philippines Inc. spokesperson Malou Espina, ang tinatawag na market forces ang mag-determina para sa price movements at dito rin malalaman kung magtataas sila o kailangang pang mag-rollback sa kanilang petrolyo. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending