Anti-drugs unit ng MPD-HQ,'kinandado'

Isang unit sa Manila Police District (MPD) ang tuluyan nang binakante matapos sibakin ang mga opisyal at lahat ng mga tauhan nito ni MPD Director C/Supt. Roberto Rosales.

Nabatid na may ilang buwan na ring kinastigo ni Rosales ang unit ng District Anti-Illegal Drugs bunga ng mga sumbong na ‘pitsa-pitsa’ umano ang labanan o pinagkakaperahan lamang ang mga naarestong suspect na may kaugnayan sa droga.

Inilipat noon pang Nob­yembre sa MPD-Public Infor­mation Office ang hepe nito na si Supt. Roderick Mariano, habang ang 25 pang operatiba ng DAID ay ipinalipat sa iba’t ibang presinto.

Gayunman, nilinaw ni Ro­sales na hindi naman nanga­nga­hulugan na tumigil na ang MPD sa kampanya laban sa mga nagbebenta at gumagamit ng iligal na droga dahil may kani-kanya namang Anti-Illegal Drugs Unit ang 11 istasyon ng MPD.

Ani Rosales, pansamantala lamang na binuwag niya ang nasabing unit hangga’t pinag-aaralan pa niya kung sino ang karapat-dapat na maipuwesto doon. Nabatid na ilang opera­tiba ang sumabit sa entrapment hing­gil sa panghihingi ng ma­laking ‘areglo’. (Ludy Bermudo)

Show comments