Seguridad sa pista ng Black Nazarene, kasado na
Kasado na ang lahat ng paghahanda ng Manila Police District (MPD) para sa pagbibigay ng seguridad sa gaganaping kapistahan at prusisyon ng Mahal na Poong Nazareno na inaasahang dadagsain ng milyong deboto bukas. Bukod sa mga nakatalagang unipormado at nakasuot-sibilyan na mga pulis, nakaalerto din ang Special Weapons and Tactics (SWAT) at K-9 units sa bisinidad at sa mga daraanan ng prusisyon.
Ayon pa kay MPD director Chief Supt.Roberto Rosales, ipinagbabawal din ang pagpapaputok ng rebentador sa prusisyon na maaring magdulot ng pagkagulat at stampede ng mga nasa hanay ng deboto. Aniya, hindi rin pinakinggan ang kahilingan ng mga residente ng Quiapo na ibalik sa traditional route ang prusisyon na pinaniniwalaang nagbibigay ng swerte sa mga ito dahil iniiwasan umano ang sakuna o masasaktan sa mga debotong kasama sa prusisyon. Ipinaliwanag niya sa mga barangay officials ng Quiapo na kailangan sa malalaking kalye na lamang idaan ang prusisyon na magmumula sa Quirino Grandstand.
Samantala, papayagan bukas ng pamunuan ng Light Railway Transit Administration (LRTA) na sumakay sa kanilang mga tren ang mga pasaherong walang sapin sa paa.
Ayon kay LRTA Administrator Mel Robles, sa loob ng isang taon ay sa pagkakatang ito lamang nila pinapayagang sumakay sa LRT ang mga nakayapak na pasahero, partikular ang mga deboto. Idinagdag pa nito na bukas ay inaasahan pa nila ang pag-akyat ng bilang ng mga pasahero sa LRT dahil na rin sa piyesta ng Nazareno.
Nabatid na alas-5 pa lang ng madaling-araw ay hahataw na sa biyahe ang LRT Line 1 kung saan ang huling byahe naman mula Monumento patungong Baclaran ay alas-11 ng gabi. (Ludy Bermudo at Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending