Muli na namang nakapuntos ang Philippine National Police (PNP) laban sa mga kilabot na mga kawatan matapos na apat na pinaniniwalaang mga kidnaper ang napaslang sa isang engkuwentro, kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.
Kinilala ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) chief, Director Leopoldo Bataoil ang mga nasawing suspek na sina Emilito Comia, Joel Esguerra at Rex Miraflor, habang hindi naman umabot ng buhay sa East Avenue Medical Center ang sinasabing pinuno ng grupo na si Calvin Lagado.
Nabatid na miyembro umano ang mga ito ng Calvin Lagado kidnap-for-ransom gang ang mga nasawi na nag-ooperate sa Metro Manila, Region 3 at Region 4.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, dakong alas-2:45 ng madaling-araw nang maganap ang eng kuwentro sa may Quezon Avenue underpass sa ilalim ng EDSA matapos ang isang maigsing habulan.
Nabatid na nasabat sa isang checkpoint ng mga tauhan ng Highway Patrol Group at QCPD-Anti-Carnapping Unit sa may kanto ng Roosevelt Avenue at Quezon Avenue ang apat na suspek na sakay ng isang Toyota Revo na may plakang ZEW-363 matapos na maghinala na hindi tugma ang plaka sa sasakyan. Sa halip na huminto, pinasibad naman ng mga suspek ang sasakyan na dito na nagsimula ang habulan.
Minalas naman na nabangga ang sasakyan ng mga suspek sa pader ng underpass sanhi upang maabutan ang mga ito ng mga pulis. Dito na umano nagpaputok ang mga suspek na sinagot naman ng mga awtoridad na naging dahilan ng kamatayan ng mga ito. Wala namang iniulat na nasaktan sa panig ng pulisya.
Sinabi ni Bataoil na nagsasagawa ng “casing” ang mga suspek sa isa nilang target sa Quezon City na nasawata dahil sa naturang engkuwentro. Pinuri rin nito ang mga tauhan ng HPG at QCPD sa pagkakabuwag sa naturang grupo.
Nabatid rin na kabilang sa mga naging biktima ng grupo sina Dominga Chu, Celina Dy, Wilbert Uy, Jhonny Corpuz, Daniel Ong, Marc Andrew Macatangay, William Uy, Boromeo Ang, Edwin Tan at Benita Chua.
Napag-alaman pa na una nang nadakip ng National Bureau of Investigation si Lagado noong Agosto 7, 2004 sa kasong pagpatay at nahulihan pa ng granada.