Nagdulot ng ilang oras na tensyon at trapik ang isang military bag na iniwan ng hindi pa kilalang lalaki matapos na mapagkamalang may lamang bomba , kamakalawa ng hapon sa San Juan City.
Ayon kay Supt. Procopio Lipana, hepe ng San Juan police, dakong alas-11:15 ng umaga ng makatanggap ng tawag ang radio room ng San Juan police na mayroon umanong isang lalaki na may kahina-hinala ang kilos at basta na lang nag-iwan ng isang knap sack sa kanto ng Lourdes Drive at Aurora Blvd ng nasabing lungsod.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Explosive Ordnance Unit (EOD), gayundin ang ilang trak ng bumbero sa lugar at mabilis na kinordonan ang area.
Dahil sa pangyayari ay nagkaroon ng tension sa lugar at inalayo ang mga residenteng naninirahan dito at nagkaroon ng re-routing ang mga sasakyan upang maiiwas sa panganib.
Matapos na malinis ng kapulisan ang lugar dakong alas-2:00 ng hapon ay sinimulan ng suriin ng mga tauhan ng bomb squad ang laman ng bag at laking pasasalamat ng mga ito na hindi naman pala totoong bomba ang nasa loob kundi mga lumang damit lang. (Edwin Balasa)