'Hold-up me' nabuko, messenger kalaboso

Sa selda humantong ang isang 26-anyos na travel agency messenger nang mag-report ito sa pulisya ng isang ‘scenario’ ng panghoholdap sa kanya ng P4-milyon cash na sa huli ay uma­min ding hindi totoo sa Malate, Maynila, kama­kalawa ng hapon.

Kinilala ni Manila Police District-Station 9, chief, Supt. Ferdinand Quirante ang suspect na si Marlon Ramos, ng Gen. Natividad St., Ligid,Tipas, Taguig City. Pormal itong sinampa­han ng reklamo ni Hyun Chui Kim, 34, Korean National at may-ari ng Hyun Travel Agency.

Sa imbestigasyon, inutusan ni Hyun ang suspect na mag-withdraw ng halagang $90,000 (P4,355,580) sa Union Bank- Makati branch. Matapos mag-withdraw ay dumiretso ito sa MPD-Station 9 at inireport na hinarang ng apat na kalalakihan ang kanyang sinasak­yan at saka hinoldap sa kahabaan ng Leon Gunto St., Malate dakong-4:15 ng hapon, kama­kalawa kung saan natangay ang US$90,000.

“Hindi ako naniniwala sa kuwento ni Ramos kaya pansamantalang pinigil ko siya sa station habang pinapunta ko ang aking mga tauhan sa sinabi niyang lugar na pinag-holdapan sa kanya at lumalabas na walang naganap na holdapan sa itinuturo niyang lugar”, ani Quirante.

Hindi umano pinaka­walan si Ramos at pina­pun­tahan din ni Quirante ang bahay nito kung saan na­rekober­ ang US$70,000.

Ikinanta rin ng suspect ang isang alyas “Peter” at alyas “Amboy” na di­umano’y kakutsaba niya sa ‘hold-up me drama’. (Ludy Bermudo)

Show comments