'Hold-up me' nabuko, messenger kalaboso
Sa selda humantong ang isang 26-anyos na travel agency messenger nang mag-report ito sa pulisya ng isang ‘scenario’ ng panghoholdap sa kanya ng P4-milyon cash na sa huli ay umamin ding hindi totoo sa Malate, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Manila Police District-Station 9, chief, Supt. Ferdinand Quirante ang suspect na si Marlon Ramos, ng Gen. Natividad St., Ligid,Tipas, Taguig City. Pormal itong sinampahan ng reklamo ni Hyun Chui Kim, 34, Korean National at may-ari ng Hyun Travel Agency.
Sa imbestigasyon, inutusan ni Hyun ang suspect na mag-withdraw ng halagang $90,000 (P4,355,580) sa Union Bank- Makati branch. Matapos mag-withdraw ay dumiretso ito sa MPD-Station 9 at inireport na hinarang ng apat na kalalakihan ang kanyang sinasakyan at saka hinoldap sa kahabaan ng Leon Gunto St., Malate dakong-4:15 ng hapon, kamakalawa kung saan natangay ang US$90,000.
“Hindi ako naniniwala sa kuwento ni Ramos kaya pansamantalang pinigil ko siya sa station habang pinapunta ko ang aking mga tauhan sa sinabi niyang lugar na pinag-holdapan sa kanya at lumalabas na walang naganap na holdapan sa itinuturo niyang lugar”, ani Quirante.
Hindi umano pinakawalan si Ramos at pinapuntahan din ni Quirante ang bahay nito kung saan narekober ang US$70,000.
Ikinanta rin ng suspect ang isang alyas “Peter” at alyas “Amboy” na diumano’y kakutsaba niya sa ‘hold-up me drama’. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending