Sasampahan ng kasong kriminal at administratibo ang siyam na miyembro ng PNP- Highway Patrol Group (PNP-HPG) kaugnay ng malagim na Parañaque City shootout na ikinasawi ng 16 katao kabilang ang sampung miyembro ng Waray Waray/Ozamis City robbery gang at limang nadamay na sibilyan noong Disyembre 5.
Ayon kay PNP-Internal Affairs Service (PNP- IAS) Chief P/ Director Jaime Tagaca, ito’y matapos na lumitaw sa resulta ng kanilang imbestigasyon na nagkaroon ng kapabayaan at lumabag sa ‘Standard Operating Procedure’ ang mga operatiba.
“Because of these findings, I am recommending to the Chief PNP the filing of administrative case for neglect of duty and grave misconduct to the following members of the Highway Patrol Group (HPG), without prejudice to the filing of criminal charges”, pahayag ni Tagaca.
Kabilang sa mga kakasuhan ng kasong kriminal ay sina Chief Inspector Joel Mendoza, Chief Inspector Lawrence Cajipe, Inspector Gerardo Balatucan, PO3 Jolito Mamanao Jr., PO3 Fernando Rey Gapuz, PO3 Eduardo Blanco, PO2 Edwin Santos at PO1 Josil Rey Lucena.
Nahaharap naman sa kasong administratibo sa paglabag sa karapatang pantao si PO1 Elybeer Cayaban.
Sinabi ni Tagaca hindi napigilan ng mga elemento ng HPG na may madamay na mga sibilyan na nasawi at nasugatan sa insidente.
“The participating elements were not able to cordon the area in that way preventing civilians from being involved”, anang opisyal sa ipinalabas na resulta ng imbestigasyon sa kaso.
Magugunita na nagkaroon ng umaatikabong shootout matapos na magpang-abot ang mga awtoridad at ang organisadong Waray-Waray /Ozamis robbery/holdup gang sa kahabaan ng Sampaguita Avenue, United Parañaque Subdivision IV, West Service Road, Brgy. Marcelo Green sa nasabing lungsod .
Kabilang sa nasawing sibilyan ay ang mag-amang sina Alfredo de Vera at pitong taong gulang na anak nitong babae na si Leah Alyana.
Sa nasabing shootout ay napatay rin ang isang police commando na si PO1 Nixon Vinasoy ng PNP- Spe cial Action Force habang nasa kritikal na kondisyon pa rin ang na-comatose na si Supt. Eleuterio Gutierrez, hepe ng Task Force Limbas ng HPG na namuno sa operasyon matapos na magtamo ng matinding tama ng bala sa ulo.