Opisina sa Malacañang nasunog
Nasunog ang isang tanggapan sa bahagi ng Palasyo ng Malacañang sa San Miguel, Maynila, kahapon ng tanghali na umabot lamang sa ika-2 alarma.
Ayon kay SFO2 Emmanuel Gaspar, arson investigator ng Manila Fire District (MFD), dakong alas-12:44 ng tanghali nang magsimula ang apoy sa tanggapan ng Office of the Deputy Presidential sa Room 404 ng Tahanan ng Masa Building na matatagpuan sa General Solano St., San Miguel.
Naapula ang sunog dakong ala-1:07 ng hapon. Ito umano ang tanggapan ng Presidential Assistance for Central Luzon na pinamumunuan ni Director Romy Cruz, sa ilalim ng Presidential Commission on the Urban Poor (PCUP).
Tinatayang aabot sa P100,000 ang halaga ng mga gamit na naabo na kung saan kasama umano sa mga nasunog ay mga lumang “files” na nakatago sa nasabing opisina.
Sinasabing bago maganap ang sunog ay nagkaroon umano nang pagsiklab sa isang bahagi ng kuwarto malapit sa photo copier at hinihinalang electrical short circuit ang sanhi.
Wala namang naiulat na nasugatan o nasawi sa nasabing sunog habang patuloy pang tinutukoy ang tunay na dahilan ng sunog. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending