Taguig fire: 1 patay, 3 sugatan
Patay ang isang mister nang atakihin ito sa sakit sa puso, habang 3 naman ang malubhang nasugatan makaraang masunog ang tirahan ng may mahigit sa 500 pamilya, kamakalawa ng gabi sa Taguig City.
Kinilala ang nasawi na si William “Wil” Bukid, 48 at residente ng Sitio Masigasig, Western Bicutan, nabanggit na lungsod.
Kasalukuyan namang nilalapatan pa ng lunas sa pagamutan ang mga biktima na sina Jacinta Irel, 29; Frederick Escanuela, 19 at Domingo Perez na pawang nagtamo ng mga sugat at lapnos sa kanilang mga katawan bunga ng nasabing insidente.
Samantala, natagpuan naman ang 2-anyos na batang babae na si Charie Semillano na unang iniulat na nawala sa naganap na sunog.
Ang paslit ay ligtas na natagpuan ng kanyang mga kaanak sa pangangalaga ng isa sa mga pamilyang nasunugan.
Batay sa ulat ng Taguig City Fire Department, dakong alas-7 ng gabi nang magsimulang magliyab ang ilang mga kabahayan sa nabanggit na lugar hanggang sa umabot ito sa ika-apat na alarma.
Pasado alas-9 naman ng tuluyang maapula ng mga pamatay-sunog ang apoy kung saan tinatayang mahigit sa 500 pamilya ang nawalan ng tirahan bunga ng nasabing insidente.
Lumalabas naman sa paunang pagsisiyasat ng mga arson investigators na isang na pabayaang nakasinding kalan ang pinag-ugatan ng sunog, habang tinataya namang mahigit sa P1 milyon ng mga ari-arian ang tinupok ng apoy.
- Latest
- Trending