2 pa patay sa saksakan at barilan
Dalawa pang katao ang nasawi sa pagsalubong sa Bagong Taon sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril at pananaksak sa Quezon City.
Sa naantalang ulat ng Quezon City Police District-Homicide Section, nakilala ang mga nasawi na sina Michael Ocaña, 26, binata, pintor, at residente ng Upper Banlat, Tandang Sora; at si Ricardo Sabang, 24, may-asawa, obrero, ng Novaliches sa naturang lungsod.
Binaril si Ocaña dakong ala-1 kamakalawa ng madaling-araw sa loob ng NGO Compound, Upper Banlat, Tandang Sora. Ayon sa suspek na si Giovanne Sando, 20-anyos, guwardiya, binabantayan niya ang NGO compound nang komprontahin siya ng lasing na si Ocaña dahil umano sa masamang tingin.
Sinabi ni Sando na sinugod siya ni Ocaña sanhi upang barilin niya ito sa dibdib na dahilan ng kamatayan ng huli. Agad namang tumakas si Sando sa takot na mabugbog ng mga kapamilya nito sa squatters’ area ngunit sumuko rin naman sa mga opisyales ng barangay at sinabing self-defense lamang ang ginawa at nag-trespassing ang biktima sa kanyang binabantayang compound.
Kasabay nito, ala-1 rin ng madaling-araw nang pagsasaksakin si Sabang ng isang alyas Teddy. Ayon sa asawa ng biktima, nakita na lamang niya ang mister na si Sabang na duguang umuwi ng kanilang bahay sanhi ng tama ng saksak sa katawan.
Nabanggit pa nito sa misis na ang suspek na si Teddy ang may kagagawan ng pananaksak bago ito nalagutan ng hininga. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending