Aabot sa halos 8,000 pulis at sundalo ang ipapakalat kasabay ng muling pagtataas sa heightened alert status ng National Capital Region Police ngayong Sabado sa buong Metro Manila.
Ayon kay NCRPO Chief Director Leopoldo Bataoil, ginawa nila ang hakbang bunsod ng inaasahang pagbabalikan sa Metro Manila ng mga bakasyunista at mga estudyante matapos ang mahabang bakasyon.
Sinabi ni Bataoil na magpapakalat siya ng 7,500 pulis sa iba’t ibang lugar na sentro ng transportasyon sa Metro Manila upang tiyakin ang seguridad ng mga negosyante, empleyado, trabahador, estudyante.
Kabilang sa mahigpit na babantayan ay ang Light Rail Transit, Metro Rail Transit stations, pier, paliparan at maging ang mga istratehikong lugar na papasok sa Metro Manila tulad ng Southern Luzon Expressway at Northern Luzon Expressway gayundin ang mga shopping malls.
Ayon kay Bataoil, inalerto na niya ang mga limang District Directors sa Metro Manila upang magpatupad ng security measures sa kanilang mga hurisdiksyon.
Inaasahan rin ng pulisya ang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa lahat ng daan papasok sa Metro Manila kaya nakaalerto ang kapulisan.