Mataas na parusa sa cellphone snatching, suportado ng NCRPO
Isinusulong rin ngayon ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) chief, Director Leopoldo Bataoil ang pag-apruba ng Kongreso sa panukalang batas na magpapataas sa parusa sa mga mahuhuling suspek sa cellphone snatching at laptop computer robbery.
Sinabi ni NCRPO chief, Director Leopoldo Bataoil na kanyang sinusuportahan ang House Bill 5409 na inakda ni Iloilo Rep. Raul Gonzalez na layong bigyan ng susunod na mas mataas na parusa ang mga mahuhuling suspek base sa kasalukuyang ipinapatupad na batas.
Sinabi ni Bataoil na makakatulong sa paglaban sa street crimes‚ ang pagpapasa sa naturang panukala. Sinabi nito na nangunguna ngayon ang cellphone snatching sa krimen na nangyayari ngayon kada araw sa Metro Manila.
Habang target rin ngayon ng mga magnanakaw ang iba pang digital equipments tulad ng personal digital assistants at mga portable laptop computers.
Kasalukuyang nagsisiksikan ngayon sa mga detention cells ng mga istasyon ng pulisya ang mga suspek sa snatching habang paulit-ulit na gumagawa ng krimen dahil sa kasalukuyang mababang parusa.
Sa pagpapataas sa parusa, inaasahan na mas mahihirapan na makapagpiyansa ang mga suspek na maaaresto ng mga otoridad at panghihinaan ng loob dahil sa mataas na parusang naghihintay sa kanila sa oras na mahuli ng pulisya. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending