Isang holdaper ang nasawi, samantalang isa pa niyang kasamahan ang nadakip matapos ang naganap na shootout sa pagitan ng grupo ng una at mga tauhan ng pulisya kahapon ng umaga sa Batasan Hills, Quezon City.
Kinilala ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief, Director Leopoldo Bataoil ang nasawing suspect na si T/Sgt. Ferdinand Singol, habang nakilala ang naaresto na si Joel Malabiga, residente ng Group 2 Kanlaon street, Payatas, Quezon City.
Sa inisyal na ulat, nabatid na dakong alas-9 ng umaga nang magkaroon ng habulan sa pagitan ng mga tauhan ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group at mga suspek na sakay ng isang Toyota Innova (ZFL-188) sa may Riverbanks, Brgy. Barangka, Marikina City.
Umabot ang habulan sa San Mateo Road sa Brgy. Batasan Hills, Quezon City kung saan nagbabaan ang mga suspek at nagpaputok sa mga humahabol na mga pulis. Dito na nagkaroon ng palitan ng putok na nagresulta sa pagkasawi ni Singol at pagkakasukol kay Malabiga habang nakatakas ang isa pa.
Sugatan naman matapos tamaan ng bala sa balikat ang isang pulis na nakilalang si PO2 Jerry Romero at isinugod sa Malvar General Hospital.
Sa inisyal na interogasyon kay Malabiga, sinabi nito na tinitiktikan nila ang isang establisimyento sa Marikina nang mapansin nila ang mga pulis na bumubuntot sa kanila kaya nagpasya silang tumakas.
Sinabi naman ni Bataoil na nakatanggap sila ng tip buhat sa isang impormante sa ginagawang operasyon ng isang sindikato ng mga holdaper sanhi upang rumesponde sa lugar at maispatan ang mga suspek.
Sa inisyal na beripikasyon naman ng Quezon City Police District (QCPD), nabatid na mga aktibong miyembro umano ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga suspek.