Naaagnas na nang matagpuan ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang bangkay ng isang 54-anyos na Koreano sa loob ng kanyang inuupahang condominium unit, kahapon ng umaga sa Quezon city.
Nakilala ang nasawi na si Jang Yeung Keum, pansamantalang nanunuluyan sa 15th floor ng Rosemont Tower, Panay Avenue ng nasabing lunsod.
Sa ulat ni SPO2 Joseph Dino, ng QCPD-Criminal Investigation & Detection Unit (CIDU), dakong alas-9 kahapon ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng biktima nang maamoy ng mga tenant ng katabing condo unit ang masangsang na amoy na nagmumula sa kuwarto ng dayuhan.
Kaagad na ipinagbigay alam ng mga residente sa pulisya ang pagkakalanghap nila ng masangsang na amoy kung saan mabilis na rumesponde naman ang mga alagad ng batas.
Dito sapilitang binuksan ng mga awtoridad ang nakakandadong pinto ng condo unit ni Keum kung saan nakita ang bangkay sa loob ng kuwarto nito. Nabatid na huling nakita itong buhay noong gabi ng Disyembre 24.
Nahihirapan naman ang mga imbestigador na mabatid agad ang ugat ng pagkasawi ng biktima dahil sa naaagnas na ang bangkay. Nakatakdang isailalim sa awtopsiya ng QCPD-Crime Laboratory ang katawan upang malaman ang sanhi ng kamatayan.
Nabatid naman na nasa maayos na kondisyon ang mga gamit sa loob ng condo unit ng Koreano ngunit hindi pa rin isinasaisantabi na may naganap na foul play sa biktima. (Danilo Garcia)