Nagsasagawa ngayon ng manhunt operation ang mga awtoridad laban sa isang binata na nakabaril sa 8-anyos nitong pamangkin sa ginanap na Christmas Party kamakailan sa isang barangay sa Caloocan City.
Ang suspect na kasalukuyang nahaharap sa patung-patong na kaso ay kinilalang si Joey Garcia, 35, ng Grace Park, Brgy. 56, ng nabanggit na lungsod.
Sa salaysay ni Julie Garcia, 31-anyos at ina ng biktimang si Daniel, isa umano sa kanilang kapitbahay ang nakakita kung paano nabaril ng suspect ang bata.
Nang malaman umano ng suspect na tinamaan nito ng bala ng baril sa ulo ang kanyang pamangkin ay mabilis itong tumakas dala ang ginamit na armas.
Sa rekord ng pulisya, naganap ang insidente noong Disyembre 25, dakong alas-7 ng gabi sa covered court na matatagpuan sa Daang Bakal St., 8th Avenue , Brgy. 56, Caloocan City.
Ayon sa ulat, unang may nakaaway ang suspect sa naturang lugar dahilan upang kumuha ito ng baril at walang habas na pinaputukan ang mga nakaaway at aksidente nitong tinamaan ng bala sa ulo ang kanyang pamangkin na hanggang sa kasalukuyan ay nakikipaglaban kay kamatayan sa Manila Central University (MCU) Hospital ng Caloocan City. (Rose Tamayo-Tesoro)