P.7-M mga paputok nasamsam
Aabot sa P.7 milyong halaga ng mga ilegal na paputok ang nasamsam ng mga awtoridad sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City at Maynila, kahapon.
Unang Nasabat ng mga tauhan ng Valenzuela police ang tinatayang aabot sa P.2 milyong halaga ng iligal na mga paputok habang ibina-biyahe ito sakay ng isang fruit and vegetable cargo truck sa isinagawang checkpoint, kamakalawa ng gabi sa nabanggit na lungsod.
Kasalukuyang nakapiit sa detention cell ng Valenzuela City Police ang driver ng truck na si Antonio Nacion, 39, ng Partida Buhangin, Sta. Maria, Bulacan na nahaharap naman sa kasong paglabag sa Republic Act 7183.
Base sa nakalap na impormasyon sa Station Investigation Division (SID) ng Valenzuela City Police, dakong alas-11 ng gabi nang masabat ng mga awtoridad ang Isuzu Elf (WSU-905) na minamaneho ng suspect sa Brgy. Paso de Blas ng nabanggit na lungsod.
Nabatid na kasalukuyang nagsasagawa ng checkpoint ang mga awtoridad nang mamataan ng mga ito ang Isuzu Elf kung saan ay kapansin-pansin ang kahina-hinalang ikinikilos ng driver nang parahin ang sasakyan nito.
Agad na tiningnan ng pulisya ang laman ng Elf at tumambad sa kanila ang iba’t ibang klaseng iligal na paputok na umano’y galing sa Bulacan na dadalhin sana malalaking palengke sa Quezon City.
Hanggang sa kasalukuyan ay inaalam pa rin ng pulisya ang pagkakakilanlan ng sinasabing amo ng driver upang isama ang pangalan nito sa sasampahan ng kaso.
Samantala sa Maynila, kinumpiska ng mga tauhan ng MPD-Station 11 ang tinatayang P.500 milyong halaga ng mga ipinagbabawal na paputok at replica ng baril sa isinagawang pagsalakay sa Binondo, Maynila kahapon ng hapon.
Dakong ala-1:45 ng hapon nang suyurin ang mga lugar sa Tabora, Sta. Elena Sts. at sa paligid ng Divisoria Mall, kung saan lantarang ibinebenta ang mga ipinagbabawal na paputok. Kabilang sa nasamsam ang piccolo, 5-star, Kingkong at pla-pla.
Isinama rin sa pagkumpiska ang mga toy gun na replica ng tunay na baril na matagal nang ipinagbabawal ng pulisya na maari umanong gamitin bilang panakot o sa mga panghoholdap. (Rose Tamayo-Tesoro at Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending