Binawian na ng buhay kamakalawa ang isang premature na sanggol na pwersahang isinilang ng kani yang ina na namatay matapos tumalon sa isang pampasaherong dyip sa takot na maholdap noong Disyembre 22 sa Tondo, Maynila.
Kinumpirma ito kahapon ng Mary Jhonston Hospital kung saan inobserbahan sa incubator ang walong buwang gulang na sanggol.
Una nang idineklarang patay si Jean Rose Polinar, isang tindera na residente ng Caloocan City, noong Disyembre 23 nang mabigong isalba ng mga manggagamot.
Nagawa pa umanong paanakin si Polinar, sa pamamagitan ng caesarian section subalit sanhi ng internal hemorrhage ay nasawi ito.
Magugunitang natakot na maholdap si Polinar nang sumakay ang tatlong lalaki na umano’y holdaper kaya naisipang tumalon sa dyip.
Kasalukuyan pang pinaghahanap ang isang alyas “Jason”, isang alyas “Pusakal” na pawang responsable sa tangkang panghoholdap, kabilang ang nadakip na si Cedric Perez, 24, ng #1700 Canal Dela Reina, Pritil, Tondo. (Ludy Bermudo)