Preso lumaklak ng sabon
Nasa kritikal na kondisyon ang isang preso ng Marikina City jail makaraang lumaklak ng sabong panlaba matapos na malungkot dahil sa walang dumalaw sa kanyang mga mahal sa buhay noong nakaraang Pasko sa nabanggit na lungsod.
Kinilala ang preso na si Jay-Ar Mendoza, 19, may kasong robbery at nakapiit sa Selda Uno ng nasabing piitan.
Ayon kay Marikina City Jail Warden Chief Insp. Paulino Moreno Jr, dakong alas-6 ng umaga kahapon nang madiskubre ng kanyang mga kasamang preso ang ginawang tangkang pagpapakamatay ng biktima.
Nabatid sa isang kasamahan ng biktima na paggising niya ay laking gulat na lang niya nang makitang bumubula na ang bibig ni Mendoza kaya agad itong humingi ng tulong sa kanyang mga kasamahan sa selda upang madala ito sa Amang Rodriguez Medical Center kung saan patuloy pa rin itong nakikipaglaban sa kamatayan.
Nakuha sa loob ng selda ang basyong lalagyan ng isang powder na sabong panlaba at bote ng softdrinks kung saan nilagyan ito ng tubig upang doon tunawin ang sabon at saka ininom.
Lumalabas sa im bestigasyon na sobrang kalungkutan umano ang dahilan ng paglalason ng biktima matapos na walang dumalaw na mga mahal sa buhay sa kanya ng nakaraang Pasko.
Dahil sa pangyayari ay nagsagawa ng inspeksyon ang pamunuan ng Marikina City Jail sa buong selda at alisin ang mga bagay na pwedeng gawing instrumento ng isang preso para magpakamatay upang hindi na maulit ang pangyayari.
- Latest
- Trending