Isang 52-anyos na Singaporean ang pinatay ng dalawang hindi nakilalang mga suspect habang natutulog ang una sa loob ng kanyang kuwarto sa Malate, Maynila kahapon ng madaling-araw. Dead-on-the-spot ang biktimang si Sam Nathan, alyas “Bath Nathan”, negosyante, ng Remedios St., Malate, Maynila sanhi ng mga tinamong saksak sa katawan. Inilarawan ang isa sa suspect na nasa gulang na 45-47, may taas na 5’6’’ – 5’7’’, maitim, nakasuot ng bull cap.
Sa ulat ng pulisya, dakong ala-1:40 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng biktima. Sinabi umano ni Nocimedus Sullano, 53, security guard sa bahay ng biktima, kahit naka-duty siya ay wala siyang nagawa nang pasukin sila ng mga suspect sa pamamagitan ng pag-akyat sa bakod dahil tinutukan agad siya ng patalim. Itinali ang kanyang dalawang kamay sa upuan at binalot umano ng tuwalya ang kanyang mukha bago tinangay ang duplicate key na siyang ginamit nila pagpasok sa bahay ng biktima.
Ayon kay Joan Sunga, 25, live –in partner ng biktima, natutulog sila ng biktima nang may dumagan sa kanyang tiyan na inakalang ang biktima subalit hindi pa siya nakakatayo ay tinakpan umano siya ng unan sa mukha.
Kasunod naman nito ay naramdaman niyang pumapalag ang biktima, habang niyuyugyog ang kama. Nang umalis na ang mga suspect at buksan niya ang ilaw ay nakita niyang duguan ang biktima.
Palaisipan pa rin sa pulisya ang motibo sa krimen at kung may sabwatan sa mga kakilala nito. (Ludy Bermudo)