Nauwi sa trahedya ang masayang Christmas party ng mga retiradong pulis makaraang isa ang masawi habang anim na iba pa ang nasugatan nang aksidenteng araruhin ng sasakyan ng isang retiradong opisyal sa Cebu City kamakalawa ng gabi.
Namatay habang ginagamot sa Chong Hua Hospital sa Cebu City ang biktimang si SPO3 Florentino Lapinid.
Patuloy namang ginagamot sina ret. SPO4 Ernesto Pacana, ret. SPO4 Aristo De Gracia; ret. Col Edmund Benond, ret. Pat. Concordio Castanares, ret SPO4 Teddy Ariza at si ret. SPO4 Rodulfo Biduya.
Hinihingan naman ng paliwanag ng mga awtoridad ang suspek na si ret. P/Supt. Benjamin Miaga, 66. Sa police report na nakarating sa Camp Crame, naganap ang insidente dakong alas-8:15 ng gabi sa parking lot ng Camp Sergio Osmena Sr. sa Cebu City.
Kasalukuyang minamaneho ni Miaga ang Mitsubishi Pajero (GTU-569) nang aksidente niyang mabangga ang mga biktima. Pauwi na sana ang mga biktima mula sa Christmas Party ng mga retiradong pulis nang maganap ang insidente.
Bukod sa pagkakahagip sa mga biktima, bi nangga din ni Miaga ang mga nakahimpil na sasakyan sa nasabing police camp kabilang ang KIA Picanto (YAT-700) ni Feliciano Arriola at ang Toyota Sedan (TEV-952) ni Florencio Diaz. (Joy Cantos)