Promo girl hinoldap na minolestiya pa

Hinoldap na ay pinaghubad pa bago nilamas ang katawan ng isang promo girl ng dalawang hindi pa nakikilalang lalaki, kamakalawa ng gabi sa Malabon City.

Ang biktima ay itinago lamang sa pangalang “Jinky”, 24, ng Maya Maya St., Longos ng nabanggit na lungsod.

Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-9 ng gabi, unang sumakay ang biktima sa tricycle ng mga suspect kung saan pagsapit ng mga ito sa Kaunlaran Village, Dagat-dagatan, Longos, Ma­labon City ay agad na tinutukan ng patalim ng mga suspects ang una.

Ilang sandali pa ay agad na kinulimbat ng mga suspect ang laman ng dalang shoulder bag ng biktima na kinabibilangan ng P700 cash, Nokia 1200 cellphone, MP4 at make-up kit.

Matapos nito ay inutusan pa ng mga suspect ang biktima na hubarin ang lahat na suot nitong damit bago pinaglalamas ang kaniyang buong katawan.

Nang magsawa ay pinagsuot uli ng damit ang biktima bago ibinaba sa madilim na bahagi na sakop na ng Navotas.

Agad namang nagsadya sa presinto ang biktima upang ipaalam ang nangyari. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments