Mas pinaigting pa simula kahapon ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang seguridad sa Kalakhang Maynila bilang preparasyon sa anumang posibleng pananabotahe ng masasamang elemento ngayong Kapaskuhan.
Ayon kay NCRPO Chief Dir. Leopoldo Bataoil, bukod sa libu-libong kapulisan na ikinalat sa iba’t ibang mataong lugar sa mga lungsod ng Metro Manila ay nagdagdag pa kahapon ang kanyang tanggapan ng mahigit sa 100 tauhan sa mga istasyon ng LRT, MRT pati sa mga bus terminal at iba pang matataong lugar.
Kaugnay nito, pinayuhan naman ni Bataoil ang mga taga-pamahala ng LRT at MRT na mag-concentrate na lamang sa mga taong may kahina-hinala ang mga ikinikilos sa isasagawang inspeksiyon ng mga ito sa mga mananakay upang hindi na humaba pa ang pila at masyadong maabala ang ibang pasahero.
Nabatid pa kay Bataoil na nagpakalat na rin ang NCRPO sa northern at southern part ng Metro Manila ng anim na K9 units kasama ang kanilang mga ‘handlers’ na pawang nagsanay pa sa Virginia, USA.
Maging ang mga security agencies rin umano ng iba’t ibang malls ay patuloy ang pakikipag-ugnayan sa kapulisan sa seguridad ng mga mall shoppers. (Rose Tamayo-Tesoro)