Mahigpit na binabantayan ngayon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga subdibisyon sa Metro Manila dahil sa intelligence report na laganap ngayon ang *Canadian style* na shabu laboratory.
Sinabi ni PDEA Director General Dionisio Santiago Jr. na iba na ngayon ang estilo ng mga sindikato ng droga sa produksyon kung saan ginagamit na ang mga bahay-bahay bilang laboratoryo sa halip na umarkila ng malalaking mga bodega.
Inamin ni Santiago na medyo mas hirap lansagin ngayon ang mga bagong uri ng mas maliliit na shabu laboratory dahil sa mas mabilisan ang operasyon ng mga ito at palipat-lipat ng lugar.
Aminado si Santiago na hindi titigil ang mga internasyunal na sindikato sa paggawa ng shabu sa Pilipinas dahil sa hindi lamang ito ibinibenta ng lokal ngunit maging sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Patuloy naman ang PDEA sa pagpapalabas ng reward money para sa mga makakapagturo sa naturang mga laboratoryo. Kahapon, umaabot sa P4.6 milyon ang ipinamahagi ng ahensya sa limang informant‚ na nagbigay ng mahahalagang impormasyon dahilan sa pagkakalansag ng tatlong laboratoryo.
Bukod dito, nakakumpiska rin ang PDEA ng 1.3 tonelada ng marijuana; 100,000 tanim na marijuana; 80,000 seedlings; 35.5 kilo ng shabu; 9.8 kilo ng ephedrine; iba’t ibang kemikals at pagkakaaresto sa 14 na drug personalities na miyembro ng mga lokal at internasyunal na sindikato. (Danilo Garcia)