Dalawang tao ang nasawi habang 14 pa ang nasugatan sa magkahiwalay na aksidente ng bus na sumalpok sa isang konkretong poste sa Barangay Holy Spirit at sa karambola ng tatlong sasakyan sa West Avenue kahapon sa Quezon City.
Sa ulat ng Quezon City District Traffic Enforcement Unit, unang naganap ang banggaan ng isang tricycle, kotse at jeep dakong ala-1:05 ng madaling-araw sa West Avenue na ikinasawi ni Edgardo Chico, 36-anyos, tricycle driver, habang sugatan naman si Christopher Calawod, 19-anyos, residente ng Sta. Ana, Maynila.
Dakong alas-9:00 naman ng umaga nang bumangga ang isang Robino Elena Bus unit, na minamaneho ng sumukong suspek na si Joel Bacas, sa isang konkretong poste ng kuryente sa Don Mariano Marcos Avenue, Brgy. North Fairview.
Nasawi dito ang 32-anyos na si Michael Franka, empleyado ng Quezon City Hall. (Danilo Garcia)