LRT inihanda sa terorismo
Nagsagawa kahapon ng ‘simulation exercises’ ang National Capital Region Police Office at ang mga empleyado ng Light Rail Transit Authority bilang pagpapakita ng kahandaan laban sa terrorist attacks.
Ang ‘simulation exercises’ ay pinangunahan ni NCRPO Chief P/Director Leopoldo Bataoil sa LRT Cubao-Araneta Center Station sa Quezon City.
Sinabi ni Bataoil na layunin ng drill na mahasa ang mga kawani ng LRT sa pagkilos sakaling magkaroon ng hindi inaasahang pangyayari na may kaugnayan sa paghahasik ng karahasan at sindak ng mga terorista.
Naniniwala si Bataoil na mabilis na makakakilos ang sinuman kung alam ng mga ito ang kanilang gagawin sa panahon ng emergency.
Gayunman, nilinaw ng heneral na wala naman silang natatanggap na impormasyon na may planong pag-atake sa Metro Manila mula sa masamang elemento.
Kasunod nito, sinabi ni Bataoil na hindi dapat maalarma ang publiko at ang kanilang ginawang drill ay paghahanda lamang para hindi makalusot ang mga terorista. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending