Prosti at bugaw kinatay ng kustomer
Isang babaeng nagbebenta ng panandaliang-aliw at isa niyang bugaw na bakla ang kinatay bago isinilid sa sako ng dalawang lalake makaraang lokohin nila ang mga suspek sa Tala sa Caloocan City.
Sinasabi sa ulat kahapon ng pulisya na ibinugaw ng bakla ang babae sa mga suspek. Nagbayad ang mga suspek pero tumanggi ang prostitute na makipagtalik dahil wala umano itong natanggap na pera.
Sinasabi sa ulat ng pulisya kahapon na hindi pa mabatid ang pangalan ng mga biktima habang hinihintay pa ang pagdating ng mga kamag-anak nito.
Nadakip naman ng mga awtoridad ang mga suspek na sina Abdul Romoros, 21, binata; at Anowar Ala, 25, binata, ng Block 4, Lot 20, Phase 12, Package 3, King Solomon St., Brgy. 88, Tala.
Ayon sa ulat ni PO2 Noli Albis, may-hawak ng kaso, ganap na alas 3 ng madaling-araw nang matagpuan ang bangkay ng mga biktima na nakasilid sa magkahiwalay na sako sa ilalim ng isang kama sa may Block 4, lot 20, Phase 12, Package 3, King Solomon St.
Sinasabing bago ang insidente, ibinugaw umano ng biktimang lalake na isa umanong bading ang babae sa dalawang suspek sa halagang P1,000, at dahil mataas ay nagkasundo ang mga ito sa P300.
Nang maibigay ng dalawang suspek ang pera sa bading ay hindi nito ibinigay sa babae kung kaya nang puntahan ng mga una ang huli para sa panandaliang-aliw ay tumanggi ang huli dahilan upang magalit ang mga ito.
Dahil naloko, pinuntahan ng mga suspek ang lalake at pinagsasaksak hanggang sa mapatay bago tuluyang isinunod ang babae na nagawa pang makatakbo at nang maabutan ay saka pinatay sa saksak, bago tuluyang isinilid ang mga ito sa sako.
- Latest
- Trending