Sinalakay ng mga tauhan ng Manila Police District-Station 3 ang isang blood bank na nag-ooperate kahit may closure order na buhat sa Department of Health, na nagresulta sa pagkaka-aresto ng isang medical technologist, dalawang kasabwat nito at 28 iba pang pawang blood donors, sa Sta Cruz, Maynila, kahapon ng umaga.
Kinilala ang mga nadakip na suspects na si Erwin Masangkay, 26, med-tech, ng Philippine Blood Bank na matatagpuan sa #1867 F. Huertas St., cor. Tayuman St, Sta. Cruz, Maynila.
Sa ulat ni MPD-station 3 chief, Supt. Romulo Sapitula, isang impormante ang nagtungo sa presinto upang ipabatid ang iligal na operasyon ng nasabing blood bank na batay sa beripikasyon ng pulisya ay may ‘cease and desist’ order nang inisyu ang DOH noong Nobyembre 3, 2008.
Nabatid kay Sapitula na lumipat lamang ng lugar ang nasabing commercial blood bank, na dating nasa #1664 Alvarez st., Sta Cruz, Maynila.
Isinagawa ang raid dakong alas-6:30 ng umaga kung saan nadakip din sina dalawang personnel ng blood bank at mga lalaking mukhang may mga taglay na sakit, may mga tattoo sa katawan, na pawang nakatakdang mag-donate umano ng dugo.
Aminado ang mga hindi pinangalanang blood donors na hindi sila dumaan sa anumang health screening kahit iskedyul na nila ng mga oras na iyon para sa blood letting.
Bigo ang mga awtoridad na masakote ang operator ng nasabing blood bank subalit nakumpiska bilang ebidensiya ang 3 blood bag na may lamang 450cc, mga specimen, timbangan, microscope, balancer, centrifuge at iba pang paraphernalia. (Ludy Bermudo)