Isang bagong silang na sanggol ang kasalukuyang inoobserbahan sa pagamutan matapos itong iwanan ng kanyang magulang sa kalsada sa kalamigan ng hatinggabi sa Mandaluyong City.
Ayon kay Bong Zafra, residente ng San Rafael St., Brgy. Plainview ng nasabing lungsod, dakong alas-11:45 ng gabi ng makarinig siya ng ilang katok mula sa gate ng kanilang bahay subalit hindi niya ito pinasin.
“May kumatok nung una, hindi ko pinansin, maya-maya kumakatok na ’yung isang kapitbahay namin dahil may baby daw na iniwan sa harapan ng bahay namin,” pahayag ni Zafra sa isang panayam.
Nabatid na isang taxi na may plakang TVH-255 sakay ang dalawang babae ang nag-iwan ng nasabing sanggol sa kalsada na matapos kumatok sa bahay ni Zafra ay mabilis ng pinaharurot ang kanilang sasakyan.
Laking gulat ng magkakapitbahay ng makita ang isang bagong panganak na sanggol na babae na hindi pa napuputulan ng pusod na nakalagay sa isang supot.
“Nakalagay ito sa malaking supot nasa loob ’yung baby na nakabalot sa kumot,” pahayag ni Zafra.
Nang kanilang malamang buhay pa ang nasabing sanggol ay agad nila itong dinala sa Mandaluyong General Hospital upang ipatingin ang kalagayan nito at sa ginawang pagsusuri ni Dr. Ma. Chona Gahol ay lumalabas na anim hanggang walong oras pa lang bago naisilang ang nasabing sanggol na kanilang pinangalanang “Baby Angel”.
Nabatid pa na himalang nabuhay ang sanggol dahil sa sobrang lamig ng klima sa labas ay hindi proteksyon ang kumot na ibinalot sa katawan nito, sa ngayon ay magsasagawa pa ng ilang pagsusuri upang masigurong nasa maayos ng kalagayan si Baby Angel bago ito i-turn over sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) habang patuloy na inaalam ng pulisya kung kanino nakarehistro ang nasabing taxi. (Edwin Balasa)